Friday, October 4, 2013

BAWAL MAGKASAKIT (Luke 17:5-10)

Sa panahon ngayon, bawal magkasakit. Ito ang popular na slogan ng isang commercial ng gamot. Tunay ngan napakahirap magsakit. Di mo magawa ang mga ibig mong gawin.   Di ka makalabas ng bahay. Di ka makapaghanapbuhay. Di mo maaaring kausapin ang mga ibig mong kausapin. Kapag mayroon kang sakit ang dami mong di magawa. Ayaw nating magkasakit. O minsan naman ayaw nating amining tayo ay maysakit. Ibig nating manatiling malusog nang magawa natin ang mga nais natin. Kaya bawal magkasakit!


Sa ating buhay pananampalataya, madalas ayaw din natin magkasakit. Ayaw nating tumamlay ang ating pananampalataya. Ayaw nating humina ang ating pananalig sa Diyos. Tuwing malakas ang ating pananampalataya sa Diyos, ramdam nating ang kakaibang lakas. Tila baga kaya nating gawin ang lahat ng bagay na nais natin. Tuwing sumasaatin ang Diyos, ang lakas ng loob natin. Tama nga naman sapagkat Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? (Roman 8:31). Ngunit sa mga pagkakataong tayo ay  nananamlay sa ating pananampalataya sa Diyos, ang daming bagay ang di natin magawa o maraming bagay ang nawawala sa atin. Nawawalan tayo ng pag-asa sa buhay. Nawawalan tayo ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubog na dumarating sa atin. Nawawalan tayo ng direksyon sa buhay. Nawawala tayo. Ito ay nagpapatotoo na sa likod ng mga magagandang bagay na atin nagagawa ay ang kamay ng Diyos na gumagalaw sa ating buhay. Nagagawa natin ang mga kahangahangang bagay di dahil sa sarili nating lakas, kung di dahil sa Diyos; sa kanyang grasya; Dominus est. Ang Diyos ang dahilan sa likod ng ating tagumpay.   


 Sa ebanghelyo, sinabi ng mga apostol sa Panginoon, 'Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya (Lucas 17:5)’. Gaya ng mga apostol ayaw din nating mabawasan o manghina ang ating pananampalataya sa Diyos, sapagkat ito ang nagtutustus sa ating buhay; ang ating lakas. Ngunit kalakip ng paghingi ng dagdag na pananampalataya sa Diyos ay ang kababaang loob na aminin ang pagtamlay ng ating pananampalataya. Ilan ba sa atin ang nagpapakumbaba at umaamin ng kahinaan? Ilan ba sa atin ang umaamin na kailangan niya ng tulong ng iba at ng Diyos?

Sa harap ng Diyos, buonng kababaang loob nating aminin ang ating kahinan, hilingin sa Kanyan ang dagdagan na pananampalataya, nang sagayon di tayo manamlay sa ating pananalig sa Kanyan; nang magawa natin ang Kanyang mga ibig; nang di tayo magsakit.     






No comments:

Post a Comment