Ang ating Panginoon ay Panginoon na may plano para sa
Kanyang sannilikha, lalong-lalo na para sa ating mga tao. Nais Niyang mapabuti,
maligtas, at makapiling ang lahat.
Sa ating kasaysayan bilang isang bayang Kanyang tinawag
mula sa pagkakasala, maraming beses na tayong sumuway sa kanyang plano. Gumawa
tayo ng sarili nating mga plano para sa ating buhay, planong taliwas naman sa
Kanyang mga plano para sa atin. Di naglalaon, lumalapit tayo sa Kanya,
bitbit-bitbit ang sarili, na hapong-hapo mula sa kakulangang sanhi ng ating mga
maka-mundong mga plano sa buhay.
Sa kabila ng ating kawalan ng tiwala sa Kanyang plano,
patuloy tayong tinatawag at tinatanggap ng Panginoon na tumalima sa kanyang
paanyaya na sumunod sa kanyang mga yapak, sumunod sa kanyang mga plano para sa
atin.
Naiintindihan Niya tayo. Naiintindihan Niya ang ating mga
pagkukulang at pagkakamali. Naiintindihan Niya na di madali para sa atin na
iwan ang pamilya at mga mahal natin. Naiintindihan Niya na di madali para sa
atin ang iwan ang lahat at tahakin ang daan tungo sa bundok ng Golgotha; ang magsakripisyo
(mamatay sa sarili) para sa pagmamahal sa kapwa. Naiintindihan Niya na di
madali para sa atin ang tumugon sa Kanyang tawag, ang tanggapin ang kanyang mga
plano para sa atin. Naiintindihan Niya tayo.
Kasama sa plano ng Panginoon ang maghintay sa atin.
Hinihintay Niya ang panahong tatalikdan natin ang lahat, ang ating mga planong di
ayon sa kanyang ibig.
Hinihintay tayo ng Panginoon. Hinihintay Niya ang ating pagtugon sa Kanyang tawag, pagkat kasama tayo sa Kanyang plano.
No comments:
Post a Comment