Thursday, October 10, 2013

JESUS PINOY VERSION

“Kayo naman” wika ni Hesus “Ano ang sabi ninyo? Sino Ako?”[1] Sa tanong na ito ating simulan ang ating pagpapaliwanag sa kung sino si Hesus para sa mga Pilipinong Katoliko. Kapara ni Simoun Pedro, tayo rin ay tinatanong ngayon kung sino si Hesus para sa atin: “Kayo naman, mga Pilipino, ano ang sabi ninyo? Sino Ako?” 

Katuparan ng Pangako ng Kaligtasan

Kay Hesus, ating naranasan at nakamit ang pangako ng kaligtasan; kaligtasang ipinangako noong unang-una pa, noong simula ng kasalanan at paghihirap sa mundo. Sa labis na pagmamagandang loob ng Diyos sa tao, minarapat niyang iligtas ang tao mula sa pagkakasala, paghihirap at pagkamatay. Kanya itong dagliaang ipinahayag sa sandaling napagtanto ng tao ang kalapastangan at pagsuway niya sa Diyos, at ipinahayag ng Diyos ang kanyang kaparusahan. Mababasa sa aklat ng Genesis:

Dito unang nasilayan ng tao ang pangako ng kaligtasan: proto-evangelium. [2] Kailanman di ninais ng Diyos na ang tao ay maghirap o mamatay. Ang origihinal na plano ng Diyos sa tao ay manahan sa paraiso kapiling Niya. Kung saan mayroon masigla at payapang ugnayan sa pagitan Niya at ng tao.[3]

Mababakas sa kasasayan ng mga Israelita, bilang isang sambahayan, sambayanan at kaharian, ang pagkilos ng Diyos upang tuparin ang pangako ng kaligtasan. Datapwat makailang ulit na binigo ng tao ang Diyos, Siya ay nanatiling tapat sa Kanyang pangako. Siya ay naghirang ng mga Patriarko, Pari, Hukom, Hari at mga Propeta upang magpaalala sa tao na maging sa kanilang Tipanan. Sa kabila ng mga ito naging matigas ang puso ng tao sa pagtanggap sa kagustuhan ng Diyos. Ngunit ang katigasan ng puso ng tao ay hindi hadlang upang maisakatuparan ng Diyos ang Kanyang kagustuhang makapiling ang tao.[4]  

Nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Ama ang kanyang Anak upang ipahayag sa tao ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa tao. Higit sa lahat, isinugo ng Ama ang Anak upang hilumin ang sugat sa kalikasan ng tao, na siyang hadlang sa isang masiglang ugnayan sa Diyos at tao. Ang lahat ng ito ay tinupad ng Anak sa pamamagitan ng pagaalay ng sariling buhay bilang ang pinakakaayaayang alay para sa Diyos mula sa tao. Ang alay ni Hesus ay sapat upang pagbayaran ng tao ang mga pagkakasala nito laban sa Dioys. Ang tao nagkasala at nagkautang sa Diyos. At sa kanyang mumunting paraan di niya mabayaran ang pagkakautang na ito. Sa pagmamagandang loob ng Diyos minarapat niyang siya na mismo ang magbayad para sa tao, sa Kanya na magmula ang pambayad ng tao sa Diyos.

Sa pagkakatwang tao ng Diyos, sa katauhan ni Hesus, tayo ay tinuboos mula sa kasalanan at kamatayan. Kay Adan nasara ang pintuan ng paraiso para sa tao, sabi ni san Juan Crisostomo. Kay Hesus nabuksan ang pintuan ng langit para sa tao. Kung gayun mas dakila nakamit kaysa sa nawala.[5]



Katatagan ng Lahing Kayumanggi: Deeply Rooted in Jesus

Ang ating bansang Pilipinas bilang isang Republika ay nasa murang gulang pa, kung ihahambing sa mga nasa sa kanluran. Kapara ng isang batang nasa murang gulang, hinaharap ng ating bansa ang ibat’t ibang klase ng pagsubok, maging sa kaunlarang pang-ekonomiya man iyan o sa pambansang kamalayan at mithiin. Nagsusumikap ang bawat Pilipino na mapagtagumpayan ang bawat hamon na kalakip ng pagiging isang Republika. Sa pagsusumikap na ito, lumalabas ang mga natatanging galing at katangian ng tunay na Pilipino.

Di na bago sa Pilipino ang kahirapan ng buhay. “Mahirap ang buhay.” Ito ang bukang bibig ng marami sa atin. Kaya marahil sa tuwing darating ang isang kalamidad o bagyo, tayong mga Pilipino ay di na hirap maki-angkop sa mahirap na kalagayan. Sanay na ang iba na matulog sa malamig na sahig ng evacuation center. Sanay na ang iba na malipasan ng gutom, ng kumain dalawa o isang beses lamang sa isang araw. Sanay na ang iba na magpalipas ng maghapon sa ilalim ng tirik na araw. Sanay na ang marami sa atin sa kahirapan. Ito ay naging parte na ng kanilang buhay. Tili baga naging manhid na sa sakit at pagdaralita. Tunay ngang mahirap ang buhay para sa marami sa atin. Ang pananalasa ng habagat sa buong ka-Maynilaan, kamakailan, ay isa sa mga knokretong halibawa kung saan mamamalas natin ang mga natatanging virtud sa lahing kayumanggi. Maraming naperwisyo ng mabilis na pagtaas ng tubig ulan sa  ka-Maynilaan. Nalubog ang bahay, kasama lahat ng ari-arian, tanging natira ang damit na suot-suot. Yung iba nawalan pa ng minamahal. Mahirap ang buhay.

Sa gitna ng kahirapan, tila baga may isang kabalintuanan. Mababakas sa mga Pilipinong naghihirap ang ngiti sa kanilang mga labi. Mararamdaman ang positibong pananaw sa buhay. Kapunapuna sa mga evacuation centers at squatters’ area ang ingay ng tawanan at halakhakan. Di natin mabatid kung  saan nagmumula ang magandang pananaw na ito. Ito ba ay sanhi ng pagiging manhid na ng Pilipino sa hirap at sakit? O sadyang matuwain lamang ang mga Pilipino?

May roong limang karakter ng Pilipino na iminumukkahi ang Katekismo para sa mga Pilipinong Katoliko o CFC. Ito ay ang mga sumusunod: family-oriented, meal-oriented, kundiman-oriented, bayani-oriented, at spirit-oriented.[6] Ang limang katangiang ito ay maaaring magbigay liwanag sa natatanging positibong pananaw nating mga Pilipino sa gitna ng kahirapan. Sa limang katangiang nabanggit, nais kong bigyan diin ang ating pagiging kundiman-oriented, maka-kundiman, kaugnay ng ating pagpapaliwag sa kung sino si Hesus sa ating mga Pilipino. Madali makakuha ng ating simpatiya ang mga taong inaapi o inaalipusta sa ngalan ng pag-ibig; mga martir kung tawagin natin sa balbal at pangkasalukuyang salita. Kung kaya nga madaling napalapit sa marami sa atin ang imahen ni Hesus bilang isang nagdurusang lingkod. Makikita ito sa ating mga debosyon sa Padre Hesus Nazareno, Santo Entierro, at sa imahen ng Sagradong Puso ni Hesus. Tayo ay nakikisimpatya sa mga nagdaralita dahil minsan o sa kasalukuyan, tayo rin ay nakakranas ng kahirap ng buhay. Tayo ay nananampalataya at dumadalangit sa isang Diyos na nagdusa at naghiram dahil alam natin makakakuha tayo ng kanyang simpatya, dahil naranasan Niya rin ang maghirap, ang magutom, ang iwan ng minamahal, ang masaktan, atbp. Sa tagpong ito sa pagitan nating mga naghihirap at ng Diyos na nakaranas ng hirap at sakit, nakakaramdam tayo ng ginhawa, napapawi kahit papaano ang sakit na dama natin. “May awa ang Diyos” wika natin minsan “pagkat nauunawaan Niya tayong mga napapagal at nahihirapan.[7]”  

Sa gitna ng kahirapan ng buhay tayong mga Pilipino, ang lahing kayumanggi, ay nananatiling matatag: Katatagang nagmumula sa isang malalim na pananampalataya natin sa Diyos na minsan ding nagdusa at naghirap kapara natin.[8] Mahirap ang buhay, ngunit may awa ang Diyos.




Nuestro Padre Hesus Nazareno:  A deficient Filipino face of Jesus

Tulad ng nabanggit sa una, may espesial na lugar sa ating buhay ispiritual ang imahen ng naghihirap na lingkod ng Dyos: ang Padre Hesus Nazareno. Ngunit sa isang masinsinang pagsusuri, tila kulang ang ating pang-unawa sa konsepto ng paghihirap sa ating buhay pananampalataya.

Sa tuwing sasapit ang Semana Santa, kapansinpansin ang malaking bilang mga mananampalataya sa mga pook sambahan o sa mga pilgrim sites. Mulla Lunes Santo hangggang Biyernes Santo, halos di mahulugan ng karayom ang mga simbahan. Ngunit sa pagdating ng Sabado de Gloria at ng Linggo ng Muling Pagkabuhay, kapunapuna ang pagkonti ng mga nagsisimba, tila natapos na ang mahal na araw noong Biyernes Santo. Ang pangyayaring ito ay nagmumula sa ating pang-unawa sa ating sariling paghihirap. Ang buhay ng Pilipino ay mahirap, nauna na nating sinabi, walang katapusang paghihirap sanhi ng samo’t saring mga sangkap sa ting lipunan. Madalas nating naihahambing ang paghihirap ni Hesus sa ating sariling paghihirap, walang katapusang paghihirap. Ang nais nating makita ay ang nagdurusang Hesus, pasan-pasan ang Kanyang mabigat na Krus. Madalang o kung wala man ang may debosyon sa Hesus na nabuhay na mag-uli. Si Hesus ay muling nabuhay. Hindi natatapos ang Semana Santa sa Biyernes Santo. Ito ay nagpapatuloy hanggang sa Linggo ng Muling Pagkabuhay. Ang pagpapakasakit, pagkamatay sa krus at pagkabuhay na mag-uli ni Hesus ay isang buong misteryo. Hindi hiwalay sa bawat isa. Kalakip ng sakit at kamatayan sa krus ay ang pagkabuhay na mag-uli. Ang sakit at kamatayan ay maaaring tignan bilang daan lamang upang makapit ang isang mataas na mithiin, sa kasong ito, ang pagtatagumpay mula sa kasalanan at kamatayan. Di kailan man ninais ng Diyos na manatili tayong naghihirap at mamuhay nang miserable. Ito ay pawang mga daan o paraan na maaaring gamitin ng mapagtanto ang kadakilaan ng Diyos. Ang kahirapan ay di ang katapusan. Meron pang higit kaysa rito. Ito ay ang buhay na ganap na ibinibigay sa atin ni Hesus sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli: ang kaligtasan.

Ang imahen natin ni Hesus bilang naghihirap na lingkod, kung gaanoon ay di sapat upang lubos nating maunawaan ang mensahe ni Hesus sa atin: ang katuparan ng pangako ng kaligtasan.

Tampok ng ating pananampalataya

Si Hesus ay nabuhay na mag-uli. Kung di Siya nabuhay mula sa kamatayan, ang ating pananampalataya ay walang saysay.[9] Ito ang tampok ng ating pananampalataya: siyang pinakamahalagang kaganapan sa Simbahan. Sa pamamagitan nito, napagtagumpayan ng tao ang kamatayan, kasalanan at kasakitan. Dahil dito, muli, maaari ng maging ganap ang buhay ng tao, di kapara ng sa Paraiso kung hindi higit pa, kapiling ang Amang nasa langit.
Ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesus ay nagdulot sa atin ng isang bagong buhay, malayo mula sa atin minana kay Adan.

Maibubuod ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesus ng mensahe ng isang bagong buhay: pagbabagong buhay. Mula sa kadiliman tungo sa limanag. Mula sa kasalanan at kamtayan tungo sa buhay na ganap. Mula sa hirap tungo sa ginhawa.

Kung si Hesus na naghirap at namatay sa krus ay muling nabuhay, kapara Niya tayo rin ay muling mabubuhay kung ating tatanggapin ang hamon sa atin ng mysteryo ng ating pananampalataya: Pagbabagong buhay. Kalakip nito ay ang pagtalikod mula sa kasalanan at pagwaksi kay Santanas at sa kanyang mga gawa. Sa pagtupad ni Hesus sa pangako ng kaligtasan, ginawa Niyang posible and dating impossible: mapagtagumpayan ng tao ang kahirapan sa pamamagitan ng pagyakap at pagtanggap sa isang bagong buhay.

 Pangwakas

Bilang pangwakas n gating pagpapaliwanang patungkol sa kung pagkakakilanlan ni Hesus para sa mga Pilipino, marapat na sagutin natin ang tanong na ating nabanggit sa una. “Kayo naman, mga Pilipino, ano ang sabi ninyo? Sino Ako?” Si Hesus ang Diyos na nagkatawang-tao, nagpakasakit, namatay at muling na buhay para tuparin ang pangako ng kaligtasan. Di Siya nanatiling naghihirap, o nanatiling patay. Siya ay muling nabuhay. Marahil ito ang maaari nating bigyang diin sa isang Christology para samga Pilipino: Ang katotohanan na si Hesus ay
muling nabuhay at di nanatiling sa hirap at kamatayan. 

 “Mahirap ang buhay” ito ang bukang bibig ng marami sa atin. “Hanggang dito na lang ako” ang sabi pa ng iba. Ang ating Panginoong Hesus ay di nanatili sa kahirapan at kamatayan. Ang Krus ay daan upang kanyang makamit ang katuparan ng kaligtasan. Siya ay nabuhay na mag-uli. Kung tunay tayong tagasunod Niya, tayo rin ay inaatasang di manatili sa pagkakaalipin ng kahirapan, kasalanan at kamatayan ng sarili at lalong lalo na ng kapwa. Mahirap ang buhay, ngunit, maaaring magbagong buhay. Salamat kay Hesus na nabuhay na mag-uli upang kamtin para sa atin ang isang buhay na ganap.[10]

Magalak nang lubos ang buong Sambahayan! Sa kaluwalhatian lahat tayo ay magdiwang! Sa ningning ni Hesukristo, sumagip sa sansinukob. Siya ay muling  nabuhay tunay na Manunubos.


[1] Mt 16: 15
[2] Gn 3:14-15
[3] Youth Catechism of the Catholic Church, Translated by Michael J. Miller (San Francisco: Ignatius Press, 2011) 66. From hence forth YouCat.
[4] Jn 3:16
[5] YouCat 66.  
[6] Catechism for Filipino Catholics (Manila: ECCCE, 1997) 34-44.
[7] Cf. Jn 16:33
[8] Cf. Rom 5:3-5
[9] 1 Cor 15: 1-58
[10] Mula sa awiting Exsultet ni G.P. Arsciwals, OP 

No comments:

Post a Comment