Thursday, October 10, 2013

CHRIST THE KING

Ang ating Panginoong Hesu-Cristo ay isang Hari; haring ang koronang suot ay di ng ginto o dyamante bagkus ng tinik, koronang tinik na napapalamutian ng kababaang loob at pagmamahal para sa atin; haring di nakaluklok sa isang maringal na trono bagkus nakabayubay sa krus, sugatan, tinutuya ng mga taong nagmamasid sa kanya. Isa Siyang hari na di nababatay sa pamantayan ng ating panahon, ng ating mundo.


 Sa ating kasaysayan bilang tao, napakarami na ng mga hari at naghari-harian ang dumaan sa mundong ibabaw at ang iilan ay narito pa rin kapiling natin; ipinangangara ang mga yamang pag-aari, mga posisyong at titulong nakamit; nag-aasam maging hari na sariling kaharian, ang magkaroon ng malaking palasyo, ang ipangalandakan sa lahat ang material na yamang meron siya, nais maging tanyag sa yaman, kapangyarihan, at sa lawak ng lupain at bilang ng taong nasasakupan. Yan ang hari ng mundong ito; mayaman at makapangyarihan.

Ilan sa atin ang nagnanasang maglingkod sa ibang tao/ ang iuna ang kapwa bago ang sarili/ ang ibigay ang lahat sa ikabubuti  ng lahat/ oras/ ari-arian/ titulo/ at maging ang sariling buhay sa ngalan ngpagmamahal sa kapwa? Ilan sa atin ang nagnais maging hari kapara ng paghahari n gating Panginoon/ ang magmahal ng lubos/ ang mamatay para sa minamahal?

Lilipas din ang ating oras, ang ating buhay. Darating din ang panahong na ang mga ipinundar ay maglalahong parang bula, mga palasyong itinayo ay magugunaw, mga mariringal na damit ay masisira, mga makikinis na mukha ay kukulubot. Sa di malayong hinaharap, ang lahat ng ating pinahahalagahan sa mundong ibabaw ay mawawalan ng saysay.

Sa pagdating ng panahong iyon, nawa buong tuwa nating salubungin ito. Bilang tagasunod ni Kristong Hari, alam natin kung ano and tunay nayaman, kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay; yaman at sanhi ng tunay na paghahari; siyang ipinamalas ni Kristo sa krus ng kaligtasan.

Ito ay ang pagmamahal na di nakakaalam ng hangganan o limitasyon; pagmamahal na di matutumbasan ng ginto o ano mang yaman ng mundong ito; paghaharing di masusukat sa titulo o posisyong nakamit;  wagas pag-ibig para sa kapwa.

Tunay ngang, sa pananaig ng wagas na pagmamahal  sa Diyos at sa kapwa mababatid natin na ang paghahari ni Kristong Hari ay sumilay na.    


No comments:

Post a Comment