Tuesday, April 30, 2013

Sharing Christ

I Cristong mabiye (Si Krsitong buhay). Ang ating Panginoon ay Panginoon na buhay, gumagalaw, kumikilos sa ating mundo sa maraming paraan. Isa sa mga katangi-tanging paraang gamit Niya ay ang Simbahan. Sa Simbahan nananahan din si Kristo Hesus, nagbibigay buhay (life giving). At sino ba ang Simbahan? Higit sa gusali o pook sambahan, ang Simbahang Katolika ay isang buhay na Simbahan, pagkat ang Simbahan ay tayo, tayong mga Katolikong nag-kakaisa sa ngalan ni Kristo Hesus, pagkakaisang kawangis ng Santissima Trinidad. Kung tayo ang Simbahan, at sa Simbahan nananahan din ang Panginoon, kung ganoon sumasaatin Siya; isang Panginoong buhay (alive) na nananahan sa ating mga buhay (living). Marapat na ang ating buhay ay sumalamin sa Panginoong buhay na nananahan at nagbibigay buhay sa atin.[1]



Kekatayang ibiye (Atin siyang ibahagi). Sa pagmamagandang-loob ng Panginoon sa atin, pinili Niyang manahan sa atin, datapwat di tayo karapat-dapat tumanggap sa Kanya. Ang pakikipamuhay Niya sa atin ay nagbubunsod ng labis na galak at tuwa sa atin. Ang ating buhay ay napupuspos ng Kanyang grasya at pagpapala sa tuwing sinusunod natin ang kanyang kalooban, sa tuwing nabubuhay Siya sa ating buhay. Walang pagsidlan ang sayang ramdam natin sa mga pagkakataong ito. Nag-uumapao ang saya (over-flowing joy). Salamat ang sambit ng ating mga labing nakangiti (gratitude). Di sapat para sa atin ang magpasalamat lamang. Tila baga meron pa tayong magawa upang kahit papaano eh masunglian natin ang regalong kaloob sa atin. Higit sa salita, tinutulak tayo ng ating pusong puspos ng galak na gumawa ng tama, na ibahagi ang sayang nararanasan natin (sharing the experienced love, thus service to others). Mula sa tuwa at pasasalamat tayo ay tumungo sa pagkakawang gawa, pagbabahagi sa sayang naranasan natin mula sa ating Panginoong buhay.[2]     



[1] Maari nating itanong sa ating mga sarili “Nakikita ba ng aking kapwa ang Pangionoon sa aking mga gawi at kilos? Nararanasan ba niya ang Panginoong buhay sa aking buhay? O Sa tuwing nakikita niya ako ay nasasabi na lang niyang ‘Diyos ko, OMG!!!?’” 
[2] Sa puntong ito maaaring palawakin ang talakayan gamit ang panukala ng PCP II sa Church of the Poor. Walang labis na dukha na walang maibibigay. At walang labis na mayaman na walang matatanggap. Sa gitna ng kahirapan ng buhay, meron pa ba tayong maibabahagi? Opo. Meron. Isa rito ay ang kwento ng karanasan mo sa Panginoon (faith-experience or God-experience). Yung mg kwento ng tuwa at saya ay malaking bagay na iyong maibabahagi sa iyong kapwa, di lahat meron niyan. Mapalad ka.

No comments:

Post a Comment