Monday, March 2, 2015

THE SILENCE OF POPE FRANCIS

“Bakit po hinahayaan ng Diyos na magyari ang mga ito (prostitusyon, droga, rape atbp) sa mga bata?” Ito ay tanong kay Pope Francis, sa UST, ni Glyzelle, isang batang babae na dating palaboy sa kalsada. Ang tanong ni Glyzlle ay umiikot sa mysteryo ng kahirapan at ang lugar ng sakit sa ating pananampalataya. Halos kaparehong tanong din ang naisip ni Pope Francis na maaaring itinatanong mga Yolada survivors sa kanilang mga sarili: Bakit nangyari ang trahedyang ito sa aming mga buhay?

Sa kabila ng pagiging kinatawan ng Panginoong Hesu-Kristo dito sa lupa, pinili ni Pope Francis na punan ang mga katanungang ito, patungkol sa kahirapan at sakit, ng katahimikan at amining siya man hindi rin niya alam kung bakit nangyayari ang mga ito (tanging paniguro niya, kasama natin si Kristo sa sakit at hirap na ating nadarama).

Di nanatili si Pope Francis na tahimik lamang. Wala ngang salitang namutawi sa kanyang bibig, may ginawa naman siya. Niyakap niya nang mahigpit si Glyzelle, habang humahagulgul ang bata marahil sa hirap na kanyang pinagdaan sa kalsada. Binisita, nakipananghalian at binasbasan niya ang mga Yolanda survivors sa Tacloban at Palo. Sa harap ng misteryo ng sakit at hirap ipinakita ni Pope Francis ang isang paraan kung papaano tayo tutugon bilang mga Kristyano: katahimikan at pagdamay sa kapwa na nahihirapan.

Ang taong 2015 ay ideklara ng CBCP bilang Taon ng mga Mahihirap. Marami sa atin ang mahihirap; mahihirap sa material na pangangailangan, o ang iba naman mahirap sa espiritual na aspeto ng buhay. Ngunit kung susuriin lahat naman tayo mahihirap. Sa harap ng Diyos na dakila, tayong lahat ay dukha at salat. Sa harap ng katotohanan ng ating kahirapan, sakit at karukhaan walang salita o diskursong makakapagpaliwanag ng mga ito. Tanging ang pagdamay natin sa isa’t isa, sa kapwa nating maralita, maiibsan ang sakit at mapapagaan ang dalang pasanin, at maniwalang ang Panginoong Hesu-Kristo ay kasama natin sa ating paghihirap.

No comments:

Post a Comment