Monday, March 2, 2015

ON SELF-ENTITLEMENT

Sinundan ng isang prusisyon ang deklaraasyon ng parokya ng Birhen ng Manaoag bilang Basilica Minore. Bilang isang masugid na deboto ng Birhen ng Manaoag, pinili kong sumama sa nasabing prusisyon. Dagliang nilabas ang karosa ng Birhen, matapos ang misa. Mula sa sanctuario ng Birhen, nagmadali akong naglakad patungo sa patio ng simbahan. Nais ko kasing tumabi sa karosa ng Birhen. Sa aking pagmamadali, nadatnan ko ang mg debotong nagsisikan palabas ng simbahan. Sinikap kong tignan kung bakit nagsisikan palabas. Nakita ko ang isang ale na nakaharang sa daan at kumukuha ng litrato ng mga seminarista na nasa choirloft, marahil kanyang mga estudyante sa Binmaley. Di ko napigilan ang aking sarili, naisigaw ko ‘Excuse me. You are blocking the way.’ Narinig ako ng ale at tumabi naman siya. Nang papatabi na siya, nakita niya ang isa sa mga kasama niya na nakaharang din sa daan. Akma na akong dadaan sa kanilang harapan nang sinabihan niya ang kanyang kasama ‘Hoy tabi ka. You are blocking the way.’ Medyo sarcastic si ale sa pagkakasabi, na may kasamang ngisi. Di ako uli nakapagpigil at hinarap ko siya, sabay sabing ‘Dapat ho kasi ale, sa tabi kayo mag-picture at di sa daan kung saan nakakaabala kayo.’ Lumabas na ako ng simbahan at tumungo sa patio. Dala na rin marahil ng inis, galit, guton atbp, di ko na tinignan ang mukha ng ale o ang reaksyon rin niya. Naka-alis na ang Karosa ng Birhen. Sabay dagsa na ng maraming tao. Nakasabay pa rin naman ako sa prusisyon, katabi ng karosa ng Birhen. Nang nagsimula na ang rosary, at humupa na ang init ng aking ulo, naiisip ko kung ano ang ginawa ko nang palabas na ako ng simbahan. Naisip ko kung anong naramdaman ng ale nang pinagsabihan ko siya. Naitanong ko sa aking sarili ‘Bakit ko ginawa iyon?’

Ang ating estado sa buhay (bilang mga religious) ay napakalapit sa tukso ng self-entitlement o yung pakiramdam o paniniwalang deserve mo ang isang bagay dahil ikaw ay isang religious, pero sa totoo lang di naman ito deserve. Kadalasan ang mga bagay na tingin natin eh deserve natin ay patungkol sa kaginhawaan sa buhay hal. always the best seat, always the best food, mabilis na access sa mga bagay-bagay atbp. Naiisip natin entitled tayo sa mga komportableng bagay na ito dahil sa dami ng sakripisyo at trabaho natin; na ito na lang ang ating pakonsuwelo sa buhay. Ngunit itong sense of self-entitlement na minsan nararamdaman natin ay di patungkol sa konsolasyon sa buhay relihioso kung di patungkol ito sa pagkamakasarili o self-centeredness. Tingin natin minsan tayo ang sentro ng mundo; na tayo ay labis-labis na mahalaga. Ngunit di ganuon ang buhay natin bilang mga tagasunod ni Kristo.

Sa ebanghelyo, mababasa na sinumang ibig sumunod sa Panginoon ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin (Lk 9:23). Sa langit, walang lugar para sa isang makasarili. Dito sa lupa sinisikap nating iwaksi ang sarili at pagkamakasarili upang maging handa tayo sa pagpasok sa langit. At isang porma ng pagkamakasarili ay ang sense of self-entitlement; pa-importante.

Sa prusisyon ng Birhen, napansin ko medyo naka gitna kaming mga religious. Naisipan kong tumabi sa gilid dahil sa totoo lang di naman natin deserve yung gitnang lugar, tanging kay Maria lamang iyon, tanging kay Hesus lamang iyon, pagkat Sila lang ang tunay nating konsolasyon sa buhay; Sila lang ang sentro ng ating mundo.

O Poon, itulot Mong naisin ko pang umaliw sa halip ng aliwin; umunawa sa halip ng unawain; magmahal sa halip ng mahalin; sapagkat kung di magbibigay, wala kaming tatanggapin; kung di magpapatawad, hindi kami patatawarin; kung di mamatay muna, ang buhay na walang hanggan ay hindi namin kakamtin. Amen. (Mula sa Panalangin ni San Francisco ng Assisi salin sa Filipino ni Dr. Rufino Alejandro)


No comments:

Post a Comment