Ang pagtugon sa tawag ng Diyos upang
maging kanyang tagapaglingkod ay maihahalntulad sa pagsuong sa dawag at
madilim na kagubatan. Sa kabila ng mga balakid, mababanaagan at
matatamasa natin ang Liwanag na walang hanggan. Sa ebanhelyo ayon kay San Lucas,
matutunghayan ang eksena ng pagpapahayag ng kapanganakan ni Hesus kay Maria sa
mga salitang tinuran ni Anghel Gabriel. Kawangis nito ang ating mga
inasal noong una nating marinig ang tawag ng Diyos.
Natakot.
Nagulumihan si Maria nang unang marinig at matanto ang salita ng Anghel, marahil
siya ay na “overwhelmed”, dahil sa dinami-dami ng mga babae ay siya ang
kinalugdan at pinili ng Diyos upang maging Ina ng Panginoong Hesukristo. Marami
sa ating mga tumugon sa tawag ng Diyos, ang natakot noong una nating maramdaman
na tinatawag tayo ng Diyos para sa kanyang mithiin. Natakot tayo sa sasabihin
ng ibang tao o di kaya natakot pasanin ang kargahing ipinabubuhat sa atin ng
Diyos.
Nakinig.
Si Maria ay nakinig sa mensahe ng Diyos hatid ni Anghel Gabriel para sa kanya. Sabi
ng isang manunulat, tayong mga Kristiyano kasama ang mga kapaid nating Muslim
at mga Hudyo, ay nagpapahalaga sa ating “sense of hearing.” Para sa atin
ang pakikinig ang pinakamahalagang kakayahan o abilidad natin. Ang pakikinig
mula pa noong unang panahon ay ang nagiging sanhi ng kalinawan sa isang paksang
magulo o ‘di malinaw at ito rin ang madalas na ginagamit sa
pakikipagtalastasan. Sa ating pagsagot sa tawag ng Diyos nawa ay matuto tayong
makinig sa mensahe ng Kanyang tawag. Ang takot na ating nadarama ay unti-unting
nawawala ngunit sa tuwing tayo ay nagbibingi-bingihan sa kanyang mga turo ay
muli nating makakalimutan ang makinig sa
Kanya.
Nagtanong.
Si Maria ay nagtanong sa Anghel. Madalas sa ating buhay tayo ay nagtatanong din; tinatanong sa Diyos kung bakit tayo pa ang kanyang tinawag sa kabila ng ating
pagiging mga makasalanan. Madalas tayong nagtatanong, ngunit hindi natin
ginagamit ang ating isipan at mga mata, hindi natin napapagnilayan o nakikita
na ang simpleng pagtugon at pagsunod sa Diyos. Maraming mabubuting mga bagay
ang nangyayari hindi lamang sa atin bagkus ay maging sa ibang mga mahal natin
sa buhay na dulot ng ating pagtugon sa Kanyang tawag. Ang pagtatanong na ito ay sanhi marahil ng takot at pangamba, pagkalimot sa kakayahan ng Diyos na gumawa ng mabuti sa ating buhay. Sa takot natin, nakakalimutan natin ang mga magagandang bagay na ginawa na ng Diyos sa ating buhay, at ang mga gagawin pa Niya.
Nag-alay.
Sa huling bahagi ng eksena, pakumbabang inialay ni Maria ang kanyang sarili sa
Diyos. Hinayaan niya na ang kagustuhan ng Diyos ang mangibabaw, kaysa sa
kanyang pansariling kagustuhan. Isa ito sa mga matapang na gawa ni Maria, dahil
noong panahong o marahil hanggang ngayon, ayon sa kanilang relihiyon, ang mga
babaeng nabuntis o nagdalang tao ng hindi pa kasal sa isang lalaki ay binabato
hanggang sa mamatay. At nang panahong dumating ang Anghel ng Panginoon, si
Maria ay isa pang dalaga ibig sabihin siya ay wala pang asawa. Kaakibat ng
pagsunod sa mga yapak ni Kristo ang pagsasakripisyo ng sariling buhay, sapagkat
ang pagsunod sa Kanya ay kinakailangan mong patayin o iwaksi ang iyong sarili
upang ikaw ay maging bukas na daluyan ng kagustuhan ng Diyos. Isasantabi mo ang
iyong mga sariling hangarin para lubusang mapaglingkuran ang Kanyang kaharian.
Sa pag-aalay at pagpapakumbaba ni Maria, siya ay itinaas ng Diyos at ginawang
Ina ng Kanyang bugtong na Anak.
No comments:
Post a Comment