Diet ka? Madalas itanong ito sa mga taong biglang gumanda ang katawan o naging maingat sa pagpili ng pagkain. Malaking papel ang ginagampanan ng pagkain at gawi ng pagkain sa lagay ng ating kalusugan. Ang pagkain ng junkfood o pagkaing may kakaunti sustansya ay maaaring magbunsod ng malnutrisyon. Ang pagkain ng labis-labis ay maaari maging sanhi ng obesity. At maaring naming maging epektibo ang isang tao sa trabaho at tahanan sa pamamagitan ng wastong pagkain, sa wastong paraan. Halimbawa, ang mga atleta ay may diet na mayaman sa potassium upang bigyan sila ng lakas na kailangan nila sa kanilang sports; ang mga body-builders ay kumainkain ng mga pagkaing mayaman sa protina na nakakatulong sa pagpapalaki ng kanilang katawan. Nakasalalay sa pagkain ang malaking aspestong pangkalusugan ng katawan at pagiging epektibo sa buhay.
Kapara ng pisikal na katawan, ang ating espirito ay nangangailangan din ng sustansya, ng pagkain na bubuhay dito, kung kaya may mga espirituwal na kakanin. Maraming pagkaing espirituwal o spiritual diets ang inihahain sa mundo ngayon. Nariyan na ang mga yoga, healings, guided meditations, atbp na naglalayong mapalusog ang espirito ng tao.
Sa ating mga Kristyanong Katoliko, inihahain ng ating Panginoong Hesu Kristo ang ang isang kakanin; ang tinapay na bumaba mula sa langit; tinapay na nagbibigay-buhay. Pangako Niya; Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ito ay ang Kanyang katawan na ibibigay Niya upang mabuhay ang sangkatauhan. Ibinibigay ni Kristo ang kanyang sarili bilang pagkain na magbibigay ng sustansya sa atin espirito, na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Sa anong porma natin makakamit ang Tinapay na ito, ang sustansyang ito para sa ating espiritu? Makakamit natin ito sa Salita ng Diyos at sa Eukaristiya(Komuniyon) na tinatanggap natin sa tuwing tayo ay nakikilahok sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa pagkikinig sa Salita ng Diyos na nakatala sa Banal na Kasulatan natutunan natin ang utos at ibig ng Diyos. Sa Eukaristya, tinatanggap natin ang Katawan ni Kristo, Diyos mismo na mukhang tinapay, upang bigyan tayo ng lakas na tupdin ang utos at ibig ng Diyos. Bakit pinili ni Kristo ang tinapay upang maging Kanyan katawan? Bakit hindi isang karne, halimbawa ang inihaw na tupa, ang pinili Niyang upang maging Eukaristya natin? Marahil, pinili ni Kristo ang kakaning di masyadong nakakabusog sa pisikal na katawan upang bigyang diin ang espirituwal na benepisyon hatid ng Eukaristya; buhay na walang hanggang hatid ng Tinapay ng Buhay.
Bilang Kristyanong Katoliko, ang Salita ng Diyos at ang Eukaristiya ang dapat number one sa spiritual diet natin. Higit sa pisikal nating pangangatawan, pagtuunan natin ng pansin ang ating espiritu at ang Tinapay na bumaba mula sa langit, na Siyang maghahatid sa atin sa Buhay na walang hanggan.
No comments:
Post a Comment