Tayong mga Filipino, mahilig magpasama. Madalas tayong magpasama sa ating mga kaibigan, o sa mga taong close sa atin. May bibilhin lang sa kanto, maghahanap na ng kasama. Maglalakad lang, isasama pa ang aso. Pupunta lang sa C.R., magpapasama pa. Naalala ko noong nasa high school ako, sinamahan kong manligaw ang isa kong kaibigan. February 14 noon; Valentine’s Day. Matapos ang klase, binulong niya sa akin ‘Samahan mo naman ako’. Sabi niya bibili lang daw ng bulaklak at ibibigay sa nililigawan niya. Sinamahan ko naman. Nang nakabili na kami ng bulaklak, natsope ang kaibigan ko. Ayaw ng ibigay ang bulaklak; nahiya raw. Sa huli, akong sinamahan lang siya, ang nagbigay pa sa kanyang nililigawan ng binili naming bulaklak.
Sa ating buhay, marami tayong mga obligasyon at Gawain, mga bagay na gusting gawin; bilang mag-aaral, bilang anak. Kailangan mag-aral ng mabuti. Magsunog ng kilay kung kinakailangan upang paipasa ang bawat asignatura. Gumising ng maaga upang di mahuli sa pagpasok sa paaralan. Nariyan din ang paghahapit sa mga deadlines ng termpapers. Ginagawa natin ito dahil alam natin isa itong paraan upang masuklian natin ang pagod ng ating mga magulang, isang paraan upang tayo ay maging mga mabuting anak. Mapalad tayo dahil sa atin paghahangad na maging mabuting mag-aaral at anak, may kasama tayo. Nariyan ang mga guro bilang mga gabay; ang mga kaibigan na nariyan lagi handang makibahagi sa mga problema; higit sa lahat nariyan ang mga magulang laging nasa tabi upang magbigay suporta; di lang pinansyal bagkus moral. Sa mga puntong susuko ka na sa bigat ng iyong dinadalang problema, dumadating ang mga taong ito sa iyong buhay; hinihiling sa kanila na samahan ka sa mga sandaling tila bibigay ka na. At di ka nila binibigo. Sinasamahan ka nila.
Ang pribelehiyo at responsibilidad ng isang Kristyano. Sa ating buhay bilang mga Kristyano, tinanggap natin ang pribelehiyong maging mga anak ng Diyos. Bilang mga binyagan, tayo ay nakikibahagi sa pagiging propeta, hari at pari ng ating Panginoong Hesu Kristo. Di biro ang kalakim na tungkulin ng pagsunod kay Hesus. Ngunit kaakibat ng pribilehiyong ito ay ang mga responsibilidad. Malaking mga responsibilidad ang nakaatang sa atin bilang mga Kristyano.
Bilang kabahagi ng pagiging propeta ni Hesus, dapat nating ipangaral ang turo Niya at ang katotohanan, napapanahon man o hindi, kaibig-ibig man yang marinig o hindi. Gaya ng mga propeta sa Lumang Tipan, haharapin ng sinumang magpahayag ng katotohanan, ang mga taong nagbibingibingihan, matitigas ang puso, at babastikos sa credibilidad ng nagpapahayag; Tignan kung sinong magaling na nagsasalita!
Bilang kabahagi ng pagiging hari ni Hesus, marapat na makilahok tayo sa pamamahala ng simbahan, ng ating parokyo, ng ating mga munting pamayanang Kristyano (BEC). Hinahamon tayo ng ating pakibahagi sa pagiging hari ni Hesus na isantabi ang paghahari-harian and yakapin ang pagiging tunay na lingkod ng kapwa, na masasalamin sa paglilingkod; hindi ang maging Boss, kung di ang maging kaagapay at katuwang ng kapwa.
Bilang kabahagi ng pagiging pari ni Hesus, inaatasan tayong mag-alay ng panalangin para sa ating ikakabuti at ng ating kapwa. Maari itong magampanan sa pamamagitan ng pagtangkiling sa mga debosyon at aktibong pagdiriwang ng Banal na Misa. Ang mataimtim na pananalangin para sa kapakanan ng kapwa ay ang mithiin ng ating pakikibahagi sa pagka-pari ni Hesus.
Di ba’t napakalaki at napakabigat ng responsibilidad nating mga Kristyano?!? Bilang kabahagi ng pagiging propeta, hari at pari ng ating Panginoong Hesu Kristo tayo ay inaatasan tumdin at tumali sa mga turo at utos Niya. Mukha mang malaki at mabigat ang ibinibigay na tungkulin sa pagsunod natin kay Hesus, alalahanin natin tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na tayo'y subukin nang higit sa ating makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya tayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon (1 Cor 10:13). Ngunit kung dumating man ang puntong di na natin kaya ang bigat ng ating pinapasan alalahanin natin na maari nating tawagin ang ating Panginoon at hingin na tayo ay kanyang samahan. Maaari nating ibulong sa Kanya: Hesus, samahan mo naman ako. Ngunit sa totoo lang, di naman tayo iniwan ni Hesus simula’t sapul na tayo ay tinawag niya. Siya ay sumaatin ng tayo ay bininyagan, ng tinanggap natin ang pribilehiyo na maging anak ng Dyos at ang responsibilidad ng pakikibahagi natin sa pagiging propeta, hari, at pari ni Hesus. At Sya ay nanatili sa atin kasama natin hanggang sa wakas ng panahon. Ito ang kanyang pangako ng sinabi Niya sa kanyang mga disipulo: Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon (Mt 28:20).
Di tayo iniwan ng Diyos. Kasama natin si Hesus sa tuwina. Simula ng tayo ay kanyang likhain, at tawagin sa buhay na banal; buhay bilang Kristyano, sinamahan tayo ni n gating Panginoon. Kailan man di Niya tayo iniwan o iiwan man. Ang pagsama sa atin ni Hesus, sa ating ating pagsunod sa kanyan, ay nagngangahulugan ng sumasaatin ang Diyos, ano pa’t Emmanuel ang kanyang ngalan; Kasama natin ang Diyos (Mt 1:23). Di ba’t napakaganda n gating buhay; sa pagtahak natin sa landas ng kabanalan at pagtalima sa kalooban ng Diyos, sinasamahan Niya tayo, ginagabayan ang bawat hakbang na ating gagawin. Ito ang mabathalang gurantiya na ibinibigay ng Diyos sa sinumang tutugon sa Kanyang tawagin. Sinisiguru ng Diyos na kasama natin Siya sa pagsunod natin sa Kanya.
Mahirap ang buhay ng isang Kristyano. May hirap at sakit na kalakip ang pakikibahagi natin sa pagiging hari, propeta, at pari ni Hesus. Ngunit ang pangako ni Hesus na sasamahan Niya tayo ay isang mabathalang guarantiya o kasiguraduhan na sapat upang tayo ay tustusan, bigyan ng lakas at grasya upang tumuloy sa landas na banal patungo sa Kanya. Sa pagsasakatuparan ng ating papel bilang hari, propeta, at pari sa lupa, datapwat mahirap, di tayo takot. Di nababahag ang buntot ng isang tunay na Kristyano kahit sa harap man ng anong sakit at hirap, dahil sa kasiguraduhan na kasama niya si Hesus sa pagtupad niya sa kalooban ng Diyos. Ang lakas at kapangyarihan ni Hesus na muling nabuhay ay ipinagkakaloob Niya sa mga taong Kanyang inatasan na ipahayag ang Mabuting Balita, tinawag na makibahagi sa Kanyang buhay at misyon. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon (Mt 28:20). Ito ang paalala sa atin ni Hesus. Sa pagtawag at pagbibigay Niya ng responsibilidad sa atin, tayo ay ay Kanyang sinasamahan bilang ating lakas at inspirasyon sa tuwina.
Sa ating pagsunod at pagtupad sa responsibilidad na iniatang sa atin ni Hesus, darating ang panahong tayo ay manghihina, masisiraan ng loob na magpatuloy at iibiging sumuko na lamang. Kapag dumating ang sandaling ito, paalalahanan natin ang ating mga sarili na kasma natin ni Hesus sa pagpapahayag ng Mabuting Balita, kasama natin si Hesus sa ating pakikibahagi bilang hari, propeta at pari, kasama natin Siya sa ating pagsisikap na isabuhay ang isang buhay na banal. At kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin (Rom 8:31)? Kung kasama natin ang Diyos, wala tayong dapat ipangamba dahil ang lakas ni Hesus na muling nabuhay at siyang magtutustos sa atin upang marating natin ang kaluwalhatiang walang hanggang.
Di nagkatuluyan ang sinamahan kong kaibigan ko at kanyang nililigawan. At lalong di kami ang nagkatuluyan ng nililigawan niya. Ngunit di man tagumpay ang panliligaw ng sinamahan kong kaibigan, masaya pa rin siya, sapagkat alam niyang may kasama siya.
Sa ating buhay bilang mga Kristyano dumarating ang pagkabigo dala marahil ng hirap ng buhay bilang Kristyano. Ngunit hindi ito dahilan upang masiraan tayo ng loob at isuko ang responsibilidad na iniatang sa atin. Bakit tayo susuko kung alam nating kasama natin si Hesus sa landas na ito? Bakit tayo panghihinaan ng loob kung alam nating ang lakas ni Hesus na muling nabuhay ay syang lakas din natin sa pagpapahayag ng Mabuting Balita?
No comments:
Post a Comment