Sa pag-ibig nakasalalay ang tanang kautusan ng Panginoon; pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Pag-ibig ang isinagot ng Panginoon Jesu-Cristo sa mga Pariseo na nagnais subukan ang Kanyang dunong, sa halip na matuto mula sa Kanya. Pag-ibig ang mensaheng ipinahayag ni Niya, sa Kanyang pangangaral at gawi ng pamumuhay na nakamit ang kasukdulan sa Kanyang pag-aalay ng sariling buhay sa cruz. Pag-ibig ang inaasahan Niya mula sa atin na Kanyang iniibig nang lubos.
Ayon sa kahuwaran ni San Juan Crisostomo (Pseudo Chrysostom), pag-ibig sa Diyos ang isinagot ng Panginoon Jesu-Cristo, bilang pinakamahalagang utos ng Diyos, at di takot, sapagkat sa alipin ang takot, sa mga anak ang pag-ibig, takot ang nasa sapilitan, pag-ibig ang nasa malaya. Hindi nais ng Diyos na paglingkuran Siya ng tao sa paraang pinaglilingkuran ng isang alipin ang kanyang amo. Pag-ibig ang nais ng Diyos, kapara ng pag-ibig ng anak sa kanyang ama, kung kaya nga ba kinupkop Niya tayo bilang Kanyang mga anak. Inibig tayo ng Ama.
Lantad ang pag-ibig ng Ama para sa atin, sapamamagitan ni Jesu-Cristo kasama ng Espiritu Santo. Marapat, kung ganoon, lantad din ang pag-ibig natin sa Kanya; pag-ibig sa Diyos na makikita sa pag-ibig natin sa kapwa, kung hindi wala tayong pinagkaiba sa mga Pariseo. Sa wika ni San Juan Evangelista “Ang nagsasabing ‘Iniibig ko ang Diyos,’ subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita? (1 Juan 4:20)”
No comments:
Post a Comment