Monday, July 28, 2014

ANG NATATAGONG KAYAMANAN AT ANG PERLAS NA MAHALAGA

Hitik ang ating kapaligiran ng mga biyaya at pagpapala ng Panginoon para sa atin. Mababanaagan ang mga ito sa ating masiglang relasyon sa ating kapwa, matiwasay na pamumuhay, o ang katotohanang buhay ka pa rin sa sandaling ito. Ang mga ito ay pawang mga sinyales na tumutukoy sa higit pang pagpapalang ipinapakita sa atin ng Panginoon. Ito ay ang kanyang kaharian, ang makapiling ang Panginoon, at lubusang damhin ang kadakilaan ng Kanyang pagmamahal.



Sabi ni San Hilario ng Poitiers, matatagpuan ang yamang ito; ang kaharian ng langit, nang walang bayad; sapagkat ang Mabuting Balita ay bukas para sa lahat, ngunit ang magamit at makamit ito kasama ang kanyang bukid ay di maari nang walang bayad, dahil ang yamang mula sa kalangitan ay di nakakamit nang di nawawala ang mundong ito.


Di na natin kailangan pang hanapin ang pinakamahalagang yaman sa santinakpan; ang kaharian ng langit. Ito ay lantad na, nilantad, ipinahayag na ng ating Panginoon Jesu-Cristo sa atin. Ito ay mababasa at makikita sa Banal na Kasulatan, Katuruan ng Simbahan, at sa Sagradong Tradisyon ng Simbahang Katolika. Ngunit nananatiling malaking hamon sa bawat isa sa atin ang buong pagyakap at pagtanggap sa yamang iniaalok sa ating ng ating Panginoon Jesu-Cristo.


Ang pag-angkin sa kaharian ng langit sa kanyang kabuuan ay nangangahulugang ng pagtalikod sa anomang makamundong yaman, maging pagnanasa. Mahirap ito; ang isakripisyo ang mga makamundong yamang ipinundar nang maraming taon, isantabi ang mga luho at kapritso nakasanayan na atbp. Ngunit madadalian tayong talikdan ang anong yaman ng mundong ito kung lagi nating isasaisip, isasapuso at isasabuhay ang napakadakilang yamang ibinabahagi sa atin ng ating Panginoong Jesu-Cristo; ang yaman ng kaharian ng langit, ang makapiling Siya, magpakailanman. May hihigit pa ba rito?

No comments:

Post a Comment