Thursday, December 19, 2013

'DI CHEAP ANG KABANALAN, LALONG DI CHEAP ANG KATOTOHANAN

 Inihabilin tayo ni Kristo Hesus sa mapagkalingang kamay ng Diyos Ama. Isa sa mga paraang kanyang binanggit, upang tayo ay lubusang maangkin ng Ama, ay ang pagpapabanal sa atin sa pamamagitan ng Katotohanan (Juan 17:17). Ang pagkalinga ng Ama, kung gayon, ay napapaloob sa kabanalan at katotohanan. Ngunit ano nga ba ang totoo? Ano ang ba ang banal? Paano maging totoo? Paano maging banal?




Sa kasalukuyan, napakaraming ibinibentang produkto sa mercado. Merong pampaputi, pampakinis, pampapula, pampapayat, pampataba, nagbenbenta ng laman, aliwa, panandaliang ligaya at marami pang iba. Ngunit may nabalitaan ka nabang nagbebenta ng pampabanal? O di kaya tableta na sa punto lunukin mo ito ay magsasabi at mamumuhay ka na sa katotohanan? Wala. Walang nagbebenta ng pampabanal o tabletang kung saan ikaw ay magpapakatotoo. Wala kasing market ang kabanalan at katotohan. Kung meron man eh kakaunti ang magnanais bumili ng kabanalan at katotohanan.


Sa kabilang banda, si Kristo Hesus ay di nagbenta o naglako ng katotohanan at kabanalan. Ito ay kanyang ibinahagi at ibinabahagi sa tuwina, sa Eukaristiya, sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos, at sa turo ng Inang Simbahan. Ibinibigay ni Kristo ang Kabanalan at katotohanan. Ngunit hindi ibig sabihin na libre ito. Hindi Cheap ang Kabanalan. Hindi Cheap ang katotohanan. Naririyan ang kabanalan at katotohanan ibignibigay ni Kristo. Kailangan pagsumikapan mong angkinin ito at isabuhay.     


Napakahirap maging banal. Napakahirap maging totoo. Ngunit posible ito. Binigyan tayo ni Santo Tomas de Aquino ng halimbawa.  Sa kanyang buhay ating masasalamin ang higit na hirap na kanyang dinanas upang maging banal at totoo, ang paghihirap na maangkin at maisarili ang dakilang bigay ni Kristo. Maraming kwento na tayong narining patungkol sa kanyang buhay. Nariyan na ang mga kwento patungkol sa mga salawahang babae na sadyang inilagay ng kanyang kapatid sa kastilyong nagsilbing kanyang bilangguan, upang siya ay tuksuhin at tuluyang talikuran ang buhay na banal at totoo. Nagsumikap si Santo Tomas. At ngayon siya ay tinitingala bilang halimbawa ng isang taong namuhay sa kabanalan at katotohanan.

Hinahamon tayo ng Panginoon na mamuhay sa kabanalan at katotohan, ang angkinin ang kanyang bigay. Hindi natin ito kaya nang mag-isa. Nawa ay ating isa-isip sa tuwina, na nariyan ang Ama upang tulungan tayong maging banal at totoo.  Nariyan ang mapagkalingang kamay Niya upang tayo ay gabayan sa ating daan, upang tulungan bumangon mula sa putikan. Ito ang dalangin ni Kristo sa Ama para sa atin. Nawa ito rin ang mamutawi sa ating mga labi sa tuwina.

Ama, turuan mo kaming maging banal at totoo. Amen.   



No comments:

Post a Comment