Si Hesus ay nabuhay na mag-uli! Alleluia! Alleluia!
Sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, itinatampok ang pinaka dakilang misteryo ng ating pananampalataya bilang mga Kristyano: Ang muling pagkabuhay ni Hesus; ang tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan; ang pangingibabaw ni Hesus sa kasalanan at kamatayan. Ang tagumpay ni Hesus ay naging tagumpay din natin ng tinanggap natin ito sa Sakramento ng binyag; nang iniwaksi natin si Satanas at ang kanyang mga gawa; nang manampalataya tayo sa Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo; nang namatay tayo sa kasalanan at nabuhay kay Hesus. Sinasariwa natin ang mga pangakong ito tuwing Linggo ng Muling Pagkabuhay sa pamamagitan ng Renewal of Baptismal Vows matapos ang pagbabahagi ng pari sa misa. Pagkakataon ito upang ipagpanibaguhin (renew) natin ang ating buhay bilang mga Kristyano.
Sa pagpapanibago ng ating buhay, hindi nawawala ang sakit at hirap na mamatay sa kasalanan at mabuhay kay Hesus. Nang nabuhay na Mag-uli si Hesus, hindi tuluyang gumaling ang mga sugat na Kanyang natapo sa pagkakapako Niya sa krus. Nanatili ang Kanyang mga sugat sa kamay, paa at tagiliran. Mananatili, kung di man madaragdagan, ang hirap na kailangang batain nang sinumang ibig sumunod kay Hesus. Kailangan maging tapat sa pangakong binitiwan sa binyag: iwaksi si Satanas, at manampalataya sa Diyos; mamatay sa kasalan at mabuhay kay Hesus. Mahirap man, ngunit ang pakonsuelo natin ay ang katotohanang kasama natin si Hesus sa ating paghihirap. Ramdam tayo si Hesus dahil siya mismo naranasan Niya ang hirap sa mundong ito. Sa ganitong paraan nagkakaroon ng bagong pagtingin sa sakit at hirap sa ating buhay bilang mga Kristyano: Kung ang sakit at hirap na nararasan natin bilang mga Kristyano ay siya rin sakit at hirap na dinanas ni Hesus, tiyak tayong hindi magtatapos ang ating buhay sa kamatayan. Dahil kung tayo'y namatay nang kasama ni Hesus, naniniwala tayong mabubuhay rin tayong kasama Niya. (Roma 6:8).
Sa pagdiriwang natin ng misteryo ng muling pagkabuhay ni Hesus, pinagpapanibago natin ang ating buhay bilang mga Kristyano. Buong tapang na tinatanggap ang hamon na maging tapat sa mga pangako natin noong tayo ay binyagan: iwasik si Satanas, at manampalataya sa Diyos; ang mamatay sa kasalanan at mabuhay kay Hesus. Tinatanggap natin ang sakit at hirap na kalakip ng mga pangakong ito, dahil alam natin di kamatayan ang katapusan ng mga ito, kung hindi ang pangako ng isang buhay na walang hanggan sa piling ni Hesus.