Monday, November 28, 2016

SA NGALAN NG KATARUNGAN, SA NGALAN NG PAGMAMAHAL

Sapagka't ito ang mga araw ng pagpaparusa, upang maganap ang lahat ng mga bagay na nangasusulat.  (Lucas 21:22)

Di ba’t mapagmahal ang Diyos? Nagpaparusa ba Siya?
May lugar ba ang kaparusahan sa kabila ng pagmamahal ng Diyos?

Ang Ating Diyos ay Diyos na mapagmahal. At Siya rin ay Diyos na nagpaparusa sa mga nagkakasala. Sa kasaysayan ng ating kaligtasan, maraming mga nagkasala ang naparusahan ng mabait nating Diyos: Adan at Eba; David at Solomon; ang Sodom at Gomorrah; at iba pa.

Paano maipagkakasundo ang pagmamahal at pagpaparusa ng Diyos?
Di ba’t pagmahal mo, ayaw mo masaktan. At kung ang pagpaparusa ay ang pagpataw ng sakit sa nagkasala, di mo paparusahan ang mahal mo, dahil alam mong masasaktan siya sa iyong pagpaparusa.

Sa pagpaparusa, ipinakikita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal. Siya ay nagpaparusa nang maykatarungan, sapagkat Siya ay nagmamahal. Ang makatarungang pagpaparusa ng Diyos ay naglalayong iligtas tayong mga minamahal Niya na nagkasala, hindi upang wasakin o sirain tayo. Pinarurusahan tayo ng Diyos tuwing tayo ay nagkakasala dahil nais Niyang malaman natin ang kawalang saysay ng kasalan; ang kawalang saysay ng pagtalikod sa Kanyan kapalit ng iba. Pinarurusahan tayo ng Diyos dahil nais Niyang mahimasmasan tayo mula sa ating mga kasalanan; nais Niyang sa huli di kasalanan ang magtagumpay sa atin, kung hindi ang pagbabalik loob natin sa Kanya; ang pagtatagumpay ng Kanyang pagmamahal na tapat.    

Mapagmahal ang Diyos, datapwat nagpaparusa din.
Dahil kung mahal mo, kahit alam mong masasaktan siya, parurusahan mo pa rin siya dahil sa kanyang kasalanan. Kung sa pagpaparusa ba siya mahihimasmasan at malalaman kung gaano mo siya kamahal; kung gaano siya kahalaga sa iyo, bakit hindi. 

Mapagmahal ang Diyos, datapwat nagpaparusa din
sa ngalan ng katarungan, sa ngalan ng pagmamahal.

Sana tayo rin!

sa ngalan ng katarungan, sa ngalan ng pagmamahal.